Mayroon ba kayong kinatatakutan? Tawag ng iba dito ay phobia. Bakit tayo nagkaka-phobia? Eh kung alam ang sagot eh di sana wala na akong kinatatakutan.
Marami akong kilala na takot sa ahas, daga, at ipis. Mayroon akong kilala takot sa pusa, takot sa aso (kahit ako matatakot lalo na kung nag aala-Cujo ang walang hiya - sa mga di kilala si Cujo, manong i-google nalang ninyo). Pati nga tao kinatatakutan minsan.
May mga kilala naman akong may kakaibang takot. May takot sa uod, may takot sa kuko - hindi yung nakakabit sa kamay, yung bang pira-pirasong kukong bagong putol. Ang ibang tao painagtatawanan ang isang may phobia, akala mo wala silang kinatatakutan. Hindi ko maintindihan kung bakit sila natatawa, eh pare-pareho lang naman tayo ng nararamdaman kapag papalapit ang bagay na ating kinatatakutan.
Lumalamig ang buong katawan, para kang lumulutang, imiikot ang buong paligid, bumabaligtad ang tiyan, pinapawisan at gustong sumigaw (well, yung iba talagang sumisigaw at kumakaripas ng takbo). Literal na nanginginig at napapaluha. Hindi ba ninyo nararamdaman ito?
Ganito ang nangyayari sa akin kapag nakakakita ako ng ibon. Kahit anong klase. Iniiwasan ko sila, kahit sila ay nakakulong. Pero pinakatakot ako sa manok. Oo, manok, as in chicken, tumitilaok man siya o hindi. May balahibo man o wala. Sisiw man o mother hen, ayoko. Di ko sila gusto. Ang gusto ko sumigaw ng Darna kapag papalapit sila.
Alam ko ang iba sa inyo nagtataka at napapangiti. Wala akong magagawa, sorry, pero hindi ko talaga kayang hawakan o tignan man lang ang manok. Siguro kung gusto ninyo akong i-torture ay ilagay ako sa isang kwuartong puno ng manok. Sigurado pag labas ko sa kulungan ako didirecho. Kasi ang taong gagawa sa akin nito ay siguradong aking papatayin.
Kaya naman hindi ako masyadong nagluluto ng mga putaheng manok. Kung breast fillet na walang balat pwede pa pero hindi ko ito hahawakan ng walang balot ang aking mga kamay. Pag tumutulong akong mag luto ng chicken wings dapat may gamit akong tongs kung wala - magutom ka. So kung gustong kumain ni Kulas ng manok (favorite pa naman niya ito), siya ang nagluluto.
Pero okay naman ako kapag luto na ang manok. Dito hindi ako takot. Atay at balun-balunan kinakain ko pero hindi chicken feet, chicken butt, lalung-lalo na yung ulo (inay ko po). Sa totoo lang addict ako sa proven (proben? - basta iyon). Hindi kasi siya mukhang chicken, muka siyang cure na fishballs na malutong. Masabi sa akin kung saan galing ang proven pero wala akong balak alamin kung totoo ito o hindi.
Kayo, saan kayo takot? Kung sasabihin ninyo sa akin na wala kayong kinatatakutan isa lang ang masasabi ko pabalik - sinungaling ka.
Kulas: Gusto mo chicken?
Kulasa: Ikaw magluluto?
Kulas: Oo, gusto mo?
Kulasa: Anong luto gagawin mo?
Kulas: Pwede fried chicken, pwede adobo.
Kulasa: Pwede chicken wings?
Kuas: Pwede tinola, pwede nilaga?
Kulasa: Pwede chicken wings?
Kulas: Pwede roast, pwede ......
Kulasa: PWEDE CHICKEN WING???!!!
Kulas: Hindi pwede.
Kulasa: Bakit?
Kulas: Dalawa lang kasi ang pakpak ng binili mong manok! (ngyek, buong chicken pala.)