0

TV

Hindi lang ako mahilig magbasa. Mahilig din akong manood ng TV. Ako ay isang self-confessed couch potato.

Cartoons, TV series... grabe. Nag umpisa sa Casper, Combat at Uncle Bob's Lucky 7 Club (sus, nabisto na yata kung gaano ako katanda!). Andyan ang mga sinundan na palabas - Bewitched, Star Trek, Chips, Charlie's Angels, Eight is Enough, tapos yung mga unag teleseryeng Dynasty at Knotts Landing. Sa cartoons ganoon din - basta Harvey Toons, Popeye, tapos pag Sunday Wonderful World of Disney! Pati basketball hindi ko pinalagpas - MICAA palang nanonood na ako (ahem - Yco fan ako noon, tapos Crispa).

Black and white pa ang TV namin noon, kaya naman ng makabili si erpat ng colored TV, talagang heaven na heaven ako! Hindi dahil colored ang palabas. Tuwang-tuwa ako dahil nilagay ni erpat yung colored TV sa kuwarto nila - eh di lahat ng akin mga kapatid doon nanonood, solo ko yung isang TV sa labas!

Noon maliliit pa kami, bawal sa amin ang manood ng Tagalog shows. Dahilan ni erpat, Tagalog na daw and usap sa bahay pati sa school dapat lang daw matuto kami ng wikang Ingles. Dahil bata pa kami, ni hindi namin naiisip kung discrimination ito o ano. Basta ang alam namin, pagnahuli kaming nanonood ng Tagalog sa TV, hindi ka pwedeng nanood ng TV ng ilang araw. Parang sintensiya sa bilibid ito para sa akin.

Siyempre pag bata ka gustung-gusto mong makaisa. Kaya naman binola namin ang aming mga yaya. Inaaya namin silang manood ng TV (hindi naman bawal sa kanila ang manood ng TV, hindi lang makakapal ang mukha nila na basta-basta silang gagamit noon). Anyway, pag dating ng hapon kasama namin silang nanonood ng mga lumang palabas ng cineng tagalog - mga gawa ng Sampaguita, LVN, etc. Pagdating ni erpat galing trabaho, dedma nalang kaming lahat. Hanggang ngayon hindi namin malaman magkakapatid kung alam ni erpat ang ginagawa namin. Si ermat kasi nasa bahay, although tulog siya kapag nanonood kami ng TV, imposible naman sa sa loob ng ilan taon hindi niya ito alam.

Ngayon may edad na kaming magkakapatid, napaguusapan namin ang aming erpat. In a way, tama siya. Natuto kaming mag salita ng Ingles ng tama. Yung mga kapatid kong may mga anak, ganoon din ang ginawa nila. Medyo binabantayan lang nila yung mga bata kasi ang daming kakaibang mga palabas ngayon. Dati may voilence nga pero hindi tulad ng napapanood mo ngayon. Pero tignan naman ninyo ang mga pamangkin ko, ang huhusay magsalita ng Ingles.

Minsan ang isang simpleng bagay malaki ang naitutulong.




Kulas: Anong lulutuin mo?
Kulasa: Gutom ka na?

Kulas: Hindi pa naman.
Kulasa: Anong gusto mong kainin?

Kulas: Kahit ano. Ano ba meroon dyan?
Kulasa: Madami.

Kulas: Tulad ng?
Kulasa: Hipon.

Kulas: Ano pa?
Kulasa: Gulay.

Kulas: Ito nalang.
Kulasa: Ano yan?.

Kulas: Tocino.
Kulasa: OK.

Kulas: Yan ang hirap sa iyo, pag natapat ka sa TV.....
Kulasa: Shhhh, sandali nalang!

Kulas: Ako nalang nga ang magluluto.
Kulasa: Sandali lang, tapusin ko nalang ito.

Kulas: Ano ba 'yan pinapanood mo?
Kulasa: Cooking show.


Hindi naman ako TV addict, hilig ko lang ang manood. Kung walang magandang palabas, eh 'di magbasa.
0

Libro

Mahilig akong magbasa. Nakuha ko ito kay erpat. Isang damakmak na libro ang collection niya. Kung bibilangin, siguro mga apat na libong pocketbooks ang mayroon siya. Hilig ni erpat ay sci-fi. Sayang, sa lahat naman ng gusto kong basahin ito ang hindi ko na kahiligan. Bata pa siya bumibili na si erpat ng mga libro. Kaya naman dumating ang araw na nagkalagas-lagas na ang mga dikit nito. Aba, isipin naman ninyo, isang 30-year old na pocket book, matigas at makunat na ang pandikit.

Di nagtagal napagisipan na ni erpat na i-dispose ang mga libro niya. Yung mga matitino itinabi niya, yung mga iba ipinamigay o i-dinonate. Eh paano naman sa kalumaan naging totoo na yung topic - as in - "Man Walks in the Moon", "Flight in the Speed of Sound", etc.

Hindi naman nagtagal ako naman ang nagumpisang mag collect. Nagumpisa sa Nancy Drew (hardbound pa ito, na napamana ko na sa aking pamangkin). Unti-unting nagmahal ang libro. Sa kagustuhan kong marami ang aking basahin, bumibili ako sa 2nd hand booksale. Biro mo naman, sa halaga ng isang brand new na libro eh halos apat na ang mabibili mo!

Dito ako naka-discover ng mga bagong manunulat. Sari-saring istorya, sari-saring lugar, sari-saring opinyon at iba pa. Lumaki ang collection ko. Siguro nakaipon ako ng mga mahigit sa dalawang libong libro!

Dumating ang panahon na kailangan ko ng umalis sa bahay ng aking mga magulang. Nagempake ako ng mga libro. Lagpas tatlongpo na kahon! Sus - saan ko ito ilalagay? Ayung, unti-unti ko silang pinili.

Para sa akin, ang libro ay mga kaibigan. Andyan sila pag malungkot ka, pag nagiisa ka, pag buang na buang ka na at walang magawa, pag feeling matalino at intense ka. Hindi ka nila iiwanan. Sa kanilang mga pahina, may mapupulot kang magandang mga salita at talaga.

Masama sa loob ko na mawalay sa akin mga libro, pero wala akong magawa. Maliit lang ang kubo namin ni Kulas, so unless feel ko na mag mukhang obstacle course ang loob ng bahay namin - isa-isa kong silang ibinigay sa mga kaibigan at kamag-anak na alam kong mahilig din magbasa at alam kong aalagan sila.

Mabait naman si Kulas, pwede ko daw itabi ang mga favorite ko. Siyempre para akong sira at namili naman ako. Ngyek, inabot ang walong kahon - saan ko naman ilalagay ito? Pili nanaman si Kulasa hanggang tatlong kahon libro nalang ang natira.

Anong gagawin ko sa iba? Aba, di ako binigo ng aking mga kaibigan.

 


Kulas: At saan mo balak ilagay yan?
Kulasa: Ewan, bahala na.

Kulas: Pinili mo na ba yan?
Kulasa: Yup.

Kulas: Anong yup. Tignan mo nga, parang tren na na-derail ang itsura niyan.
Kulasa: Aayusin ko naman eh.

Kulas: Hindi yon, eh mas marami pa yan kahon ng books mo kaysa sa damit natin dalawa!
Kulasa: Hindi naman, itong mga ito lang ang tinira ko.

Kulas: Eh itong iba?
Kulasa: Ewan.

Kulas: Anong ewan? I-donate mo nalang sa library.
Kulasa: Ayoko.

Kulas: Fine, magandang pang ihaw yan.
Kulasa: Che.

Kulas: Eh paano, ito nalang kaya ang upuan natin sa salas at comedor.
Kulasa: Ang sarcastic mo naman!

Kulas: Alam mo naiintindihan kita, pero wala tayong lalagyan.
Kulasa: Alam ko, pero ayokong ipamigay ito basta-basta.

Kulas: Eh di ipagbili mo.
Kulasa: Ano?

Kulas: Benta mo, at least may balik.
Kulasa: Hmmmm.

Di nagtagal, me and my books parted ways. Dala nila ang aking pasasalamat sa mga naituro nila sa akin. Dahil sa kanila, may bagong akong gamit sa kubo namin.
0

Pagkain

Iba talaga ang Pinoy pag dating sa pagkain.

Hindi lang tayo masarap kumain, mahilig tayong kumain. Aminin na natin, mahirap pigilan ang gutom.

Ugali na din yata natin ang pagkwentuhan ang pagkain habbang kumakain. Hindi lang nga lahat ganito. Yung iba parang nauumay na kapag pagkain ang pinaguusapan. Pero ako, sabay kwento, sabay subo.

Pagkain at pagluto ay isa sa mga gustong-gusto kong pagusapan. Kahit wala akong masabi o ma-share, may natututunan ako. Hilig ko kasing magluto. Minsan masarap ang kinalabasan, minsan naman palpak.

Ang mga kamag-anak ko, sa side man ng tatay o sa nanay ko, ay mahilig magluto (at kumain). Kaya pag nag re-reunion kami, samu't saring ulam ang dala. Bawat taon may bagong inihahain sa mesa. Pag hit, hala, labasan na ng mga papel at ballpen at hihingin na ang recipe.

Miss ko na nga yung ibang kong pinsan na nasa malayong lugar. Pero kahit saan lugar sila ng daigdig, talagang luto at pagkain Pinoy pa din ang gusto nila. Salamat nalang sa technology at nakakausap at nakikita ko sila.

Siyempre, hindi mawawala sa usapan ang pagkain. Kaya naman pagkausap ko sila, kung ano-ano ang pinapakita ko sa webcam.

 


Kulas: Huy, ano ba 'yan?
Kulasa: He he.....

Kulas: Sino ba yan kausap mo?
Kulasa: Mga pinsan ko.

Kulas: Eh bakit galit 'ata.
Kulasa: Hindi, niiinggit lang yan.

Kulas: Bakit?
Kulasa: Pinakita ko kasi itong aratiles.

Kulas: He he.. Eto pakita mo.
Kulasa: Oo nga...

Kulasa: Kita 'nyo 'to? [sabay tapat sa webcam]

Bang! That did it for my cousins. Sus, kung buhay siguro ang tatay ng mga ito sinabon na ang mga bibig nila. Talagang makatanggal eardrum ang mga sinasabi. Bakit? Ano ba yon inabot sa akin ni Kulas? - wala lang, manggang hilaw at bagoong.
Back to Top